r/Kamusta • u/Sure_Signature1850 • 1d ago
ISANG BUKAS NA LIHAM PARA SA TATLO KONG KAIBIGAN NA MINAHAL KO BILANG MGA KAPATID
Ang sakit pala, kala ko kaya.
Hindi ko inakalang ang mga taong nakilala ko sa trabaho ay magiging bahagi ng buhay ko nang ganito kalalim. Hindi ko man kayo kadugo, minahal ko kayo bilang mga kapatid, naging takbuhan, karamay, at bahagi ng masasaya kong araw.
Maaaring may mga pagkakamali ako, may mga nasabi akong nakasakit, may mga pagkakataong nanaig ang tampo at emosyon. Patawad kung nagkulang ako. Tao lang din naman ako na nasasaktan, napapagod, at gustong maintindihan. Gusto ko rin namang maramdaman na mahalaga ako, na may tatakbo rin sa akin kapag kailangan ko ng karamay.
Masakit tanggapin na baka ako na lang pala ang kumakapit at natatakot mawala ang samahang minsan kong itinuring na pamilya. Hindi ko pinagsisisihang minahal ko kayo. Masakit lang na ang mga taong kaya mong piliin nang paulit-ulit ay darating sa puntong kailangan mo nang tanggapin na hindi ka na nila pinipili.
Para sa iyo, M. Patawad kung nasaktan kita, kung nagtampo ako, kung inakala kong hahabulin mo ako noong lumayo ako, at kung minsan ay ipinipilit ko pa rin ang sarili ko sa iyo. Ikaw pa rin ang bunso kong kapatid, ang kapatid ko sa ibang nanay.
Para sa iyo, S. Hindi man tayo palaging nag-uusap, sana qagmamahal ko sa iyo. Patawad sa mga pagkakamali at salitang maaaring nakasakit sa iyo. Mahal kita, kung alam mo lang.
Para sa iyo, E. Maaaring may mga hindi tayo pagkakaunawaan sa trabaho, pero hindi nabawasan ang pagmamahal ko sa iyo. Naging ate, kapatid, at takbuhan kita. Patawad sa mga nasabi kong nakasakit sa iyo. Mahal kita.
At sa inyong tatlo, kayo ang nagpakita sa akin na maaari pa pala akong magbukas muli ng puso para sa mga babaeng kaibigan. Dahil sa mga masasakit kong karanasan noong high school, natuto akong mag-ingat at matakot magtiwala muli. Pero kayo ang naging dahilan kung bakit muli akong naging masaya, natutong magtiwala, at muling naniwalang maaari akong magkaroon ng mga kapatid na hindi ko kadugo.
Kaya kahit masakit, hinding-hindi ko pagsisisihang nakilala at minahal ko kayo.
Wala akong masamang tinapay sa puso ko. Hangad ko pa rin ang kabutihan, kaligayahan, at tagumpay ng bawat isa sa inyo.
Hindi ko buburahin ang mga alaala. Hindi ko ikakaila ang pagmamahal na ibinigay ko. Pero kailangan ko na ring piliin ang sarili ko at ang kapayapaan ko.
Mahal ko kayo, pero masakit mang tanggapin, kailangan ko nang bumitaw at magpatuloy.
Ang sakit pala mawalan ng mga kaibigan, lalo na ng mga taong hindi mo man kadugo, minahal mo naman nang buong puso bilang mga kapatid.