r/MCGIExiters • u/Sudden_Version3218 • 12h ago
Satire Grupo ng Mga Kawatan Inaswang ng Tiktik
Binabagabag ang safehouse ng mga kawatan ng aswang sa bubungan na kung tawagin ay Tiktik.
Mga Tiktik na Exiters.
Nagkaisa ang lahat ng mga kawatan sa Apalit at ang kanilang mga lookout upang labanan ang aswang na ito, mula sa mga nasa pulpito hanggang sa kanilang mga alipores at mga bantay-tanod kasama ang mga pulitiko at scalawags.
Saan ka pa makakarinig ng mga iyak ng kanilang mga taga-sunod na hindi binabanggit ang Tiktik?
Sinong kapatid na nagtanong kung saan napupunta ang kanyang abuloy ang hindi napagbintangang nakikinig sa Tiktik?
Maging ang mga kapatid na tahimik na tumigil sa pag-aabuloy ay pinaghihinalaan nang naaswang.
Dalawang bagay ang maliwanag sa pangyayaring ito:
- Ang Tiktik ay kinikilala na mismo ng mga kawatan sa Apalit bilang isang puwersang dapat nilang katakutan.
- Panahon na upang ilahad ang ating pananaw, adhikain, at tungkulin, at sagutin at i-debunk ang mga kuwentong pang-bonjing patungkol sa mga aswang at tiktik na exiters na bunga lamang ng kanilang ka-praningan.
I. Ang Dating Hipnotismo ay Pinalitan ng Amats ng Poverty P0rn
Ang panggagantso sa pamamagitan ng relihiyon ay nagtatagumpay hangga’t taglay ng mangangaral ang charisma at ang natatanging abilidad na magbigay ng banal na kahulugan sa bawat sakripisyo ng kanyang mga tagasunod.
Ngunit nang hindi maipamana ang abilidad na ito sa kahalili, nalantad ang hubad at sakim na mekanismo ng pagsasamantala at pagnanakaw.
Ang dating hipnotismo ng pangangaral ay pinalitan ng amats ng poverty p0rn. Ang dating paghanga sa husay ng mangangaral ay pilit na pinapalitan ng paghanga sa kanyang pagpapakain ng lugaw. Ang dating evangelization ay naging isang malaking PR machinery na pinopondohan at pinatatakbo ng mga miyembro mismo.
Mas magastos ang bagong pamamaraan at mas brutal ang pagsasamantalang kaakibat nito. Sapagkat kung dati ay kayang humikayat ng libu-libong bagong miyembro sa pamamagitan lamang ng mikropono at Bibliya, ngayon ay kailangang pigain nang husto ang mga natitirang miyembro upang makalikha ng ilusyon ng isang umuunlad na relihiyon.
Habang kumakaunti ang nahihikayat, dumarami ang patarget. Habang dumarami ang umaalis, humahaba ang oras ng libreng paggawa. Ang pagkalugi sa recruitment ay binabawi sa mas matinding exploitation ng mga naiwan.
Dito nagmumula ang desperasyon laban sa mga Tiktik. Ang bawat namumulat na miyembro ay isang nawawalang manggagawa, customer at financier ng kanilang mga negosyo.
II. Ang Paninira ay Isang Makabagong Gawang Mabuti
Ang tinatawag nilang paninira ay maaaring maging mabuti sa mental health at mahalagang bahagi ng trauma recovery.
Sa tagal ng pag-anib natin sa kulto, unti-unting nasikil ang ating critical thinking at ang kakayahan nating magpasya at kumilos ayon sa sarili nating paghuhusga, ang tinatawag sa pilosopiya na human agency.
Naisagawa ito sa pamamagitan ng paghubog ng ating memorya at paglikha ng mga naratibong nagpabago sa ating pag-unawa sa sariling karanasan. Ang pagsasamantala ay tinawag na paglilingkod, ang pagkaubos ng sarili ay tinawag na kabanalan, at ang pagtutol ay tinawag na pagrerebelde. Sa ganitong pamamaraan, naisasakop ang isang tao kahit hindi siya nakagapos.
Ang pagsira sa gapos na ito ay nagsisimula sa pagbawi ng karapatang bigyang-kahulugan ang sarili nating kasaysayan. Tinatawag ito ni Michel Foucault na counter-memory, ang paghamon sa opisyal na bersyon ng kasaysayan sa pamamagitan ng mga karanasang pilit nitong binubura. Ang hayagang pagsasabi ng katotohanan sa harap ng kapangyarihan, sa kabila ng panganib na kaakibat nito, ay tinatawag naman niyang parrhesia na mula pa sa turo ni Plato.
Dito nagiging constructive at positive ang tinatawag nilang paninira. Sa bawat kasinungalingang iyong binubuwag at sa bawat conscious na pakikilahok mo sa pagpapamulat, unti-unti mong binabawi ang iyong human agency na kanilang binura.
Ang healing ay hindi nangangahulugan ng pagbabaon sa limot ng lahat ng iyong pinagdaanan. May mga sugat na kailangang pangalanan at mga karanasang kailangang maisalaysay upang maunawaan kung paano ka napinsala.
May karapatan kang manahimik kung iyon ang kailangan mo. Ngunit ang sinumang nag-uudyok sa iyong manahimik upang mapangalagaan ang reputasyon ng institusyong nanamantala sa iyo ay tumutulong na panatilihin ang mga kondisyong nagbigay-daan sa iyong pagkakasakop.
Ang paninira sa kasinungalingan ay bahagi ng muling pagtatayo ng sarili.
III. D1gmang-Bayan Laban sa Pananamantala
Ang kapangyarihan ng mga kawatan ay nakasalalay sa dalawang bagay: ang kamangmangan ng kanilang mga susunod na bibiktimahin at ang katahimikan ng kanilang mga nabiktima na. Kaya naman ang industriyang ito ng panggagantso ay nangangailangan ng patuloy na produksyon ng kasinungalingan at sistematikong pagsupil sa mga taong may kakayahang maglantad nito.
Sa ganitong kalagayan, ang pagpapamulat ay nagiging isang anyo ng pakikibaka. Ang dating magkakahiwalay na hinaing ng mga indibidwal ay nagiging collective consciousness. Ang personal na karanasan ng pagsasamantala ay nagkakaroon ng panlipunang kabuluhan. At ang dating walang kalaban-labang biktima ay nagiging aktibong kalahok sa pagbuwag ng mga kondisyong nagpahintulot sa kanyang pagsasamantala.
Walang interes ang mga Exiters na sagipin ang naghihingalong relihiyon, ibalik ang dating kaluwalhatian nito o magluklok ng panibagong mangangaral. Ang pagpapalit ng administrador ay walang saysay hangga’t nananatili ang economic structure na nagpapayaman sa iilan sa pamamagitan ng libreng paggawa at sakripisyo ng nakararami.
Ang nais natin ay pabilisin ang pagkabulok ng sistemang ito sa pamamagitan ng mahinhin na pananabotahe. Bawiin natin ang ating labor, ang ating financial contributions, ang ating patronage at higit sa lahat, ang ating katahimikan. Hayaan nating matutong magpasahod ang mga negosyanteng nagbabalatkayong mangangaral. Hayaan nating makipagkompetensya sila sa free market nang walang subsidiya mula sa pananampalataya ng mahihirap.
Ang pinakamabisang paghihiganti ay ang pagkakait sa mga mapagsamantala ng mismong kondisyon na nagbibigay-daan sa kanilang pagsasamantala.
Sa bawat dokumentong nailalantad, sa bawat kasinungalingang nabubuwag at sa bawat miyembrong namumulat, unti-unting nababawi ng mga pinagsamantalahan ang kanilang dignidad.
Nagkakaroon ng panibagong kabuluhan ang mga taong nasayang sa paglilingkod. Ang kaalamang nakuha natin sa loob ng maraming taon ay siya ngayong magagamit upang hindi na pagdaanan ng iba ang ating sinapit.
We have no obligation to protect the reputation of those who profited from our misery. Hayagan nating idinedeklara ang ating pakikibaka sa pamamagitan ng walang tigil na paghahayag, mapayapang sama-samang pagkilos at pagpapanagot sa batas.
Ang kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang henerasyon ay higit na mahalaga kaysa sa reputasyon ng mga kawatan.
Hayaan nating manginig at ma-praning ang mga kawatan sa Apalit. Walang mawawala sa atin kundi ang mga gapus at tanikala.
Mga Tiktik ng lahat ng lokal, magkaisa!
Approved and duly ratified by the Second Plenum of the Post-MCGI Society held at ______________________________ on __________________ 2026.