Ni-report ng GMA News noong November 13 na magsasagawa si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng mga lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Magandang balita ito. Pero dapat simula pa lang ang mga lifestyle check na ito.
May mga seryosong isyu at concerns na lumabas tungkol sa korapsyon at pang aabuso sa kapangyarihan sa loob ng BIR, lalo na noong pamumuno nina dating Commissioner Charlito Martin R. Mendoza at Deputy Commissioner Vener S. Baquiran.
Ilan ito sa mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin ng Ombudsman:
- LOA kickbacks: Mga report na obligado raw mag remit ang mga BIR examiner ng 20-40% mula sa mga unofficial payments na nakokolekta sa mga taxpayer tuwing may Letter of Authority (LOA) examinations.
- Weekly remittance arrangements: Mga alegasyon na regular na minomonitor at inirereport ang mga koleksyon, kabilang na sa pamamagitan ng LOA at ONETT reports.
- Bentahan ng posisyon: Mga balitang ibinebenta raw nang milyon-milyong piso ang mga matataas o coveted na posisyon sa BIR, kung saan may mga middleman o intermediaries na humahawak ng bayaran.
- Ghost receipt investigations: Mga reklamo kung saan pinipressure umano ang mga negosyo na magbayad kapalit ng clearance para makalusot sa imbestigasyon.
- Magarbong gastusan (Lavish spending): Mga tanong tungkol sa napaulat na multimillion peso BIR anniversary celebration at monthly golf gatherings na pinondohan daw mula sa mga kontribusyon ng regional officials.
Hindi lang ito mga simpleng administrative issues. Nakataya rito ang tiwala ng publiko, ang pera ng taumbayan, at ang integridad ng dalawang pinakamalaking ahensya na kumokolekta ng pondo para sa gobyerno.
Hindi dapat limitahan ng Ombudsman ang lifestyle checks sa pagtingin lang sa mga properties, sasakyan, at declared assets. Dapat din nilang busisiin ang unexplained wealth, financial transactions, mga posibleng middleman, appointment records, at kung saan talaga napupunta ang pera.
At dito pumapasok ang mas malaking tanong:
Aabot ba ang imbestigasyon sa mga taong totoong nakinabang sa mga kalakarang ito, kahit ano pa ang posisyon o koneksyon nila?
Ang paglipat ni Mendoza sa Bureau of Customs ay hindi dapat maging dahilan para mabaon na lang sa limot ang mga tanong tungkol sa pamumuno niya sa BIR. Dapat ding busisiin nang husto ang BOC, lalo na ngayong doon na siya lilipat.
Binabantayan namin ang parehong ahensya.
Ang BIR at ang BOC.
Ang pagpapalit ng liderato ay hindi nagbubura sa mga nangyari sa ilalim ng nakaraang administrasyon. At ang mga lifestyle check na ito ay hindi dapat mauwi sa isa na namang anunsyo na walang kinahihinatnan.
Karapatan ng publiko ang makakita ng resulta, pananagutan, at totoong aksyon.
Mr. Ombudsman, umaasa kami na lalampas ang imbestigasyong ito sa pakitang tao lang. Follow the money.