ILANG BESES NA NAHULI AT PINATAWAD PARA SA KANILANG MGA ANAK
Hawak ngayon ng pulisya ang isang babaeng may-asawa at umano’y binata na katrabaho nito dahil sa reklamong pakikiapid sa lalawigan ng Cebu.
Nabatid na naaktuhan ni mister ang dalawa sa loob ng nirentahan nilang kuwarto kamakalawa ng gabi sa Magsaysay Hills, Barangay Poblacion, Toledo City, Cebu.
Kinilala sa alyas na 'Cristina' ang misis na tubong San Carlos City, Negros Occidental, habang ang binata ay si alyas 'Jhon', 24-anyos, taga-Asturias, Cebu.
Nadatnan ng 41-anyos na truck driver na mister ang dalawa sa silid kaya kaagad niya itong itinawag sa pulis na umaresto sa magkalaguyo.
Ayon sa salaysay ng mister sa pulis, ikaapat beses na niyang nahuli ang asawa at ang unang tatlong pagkakataon ay pinatawad niya ito para sa kanilang mga anak.
Desidido ang mister na kasuhan ng Adultery ang kanyang misis. | via Edwin Gadia, Abante News