r/phhorrorstories • u/Huge_Explanation3192 • 1h ago
Ghostly Encounter E. Rod Incident
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim.
Binibilang ko sa aking isip kung ilan ang laman ng jeep na sinakyan ko sa may Welcome Rotonda. Alas-Tres ng madaling araw, pilit kong nilalabanan ang antok.
Nasa likuran ako ng drayber. May magkasintahan sa kanan ko. Isang matandang babae sa aking harapan na natutulog at dalawang lalaki malapit sa estribo. Isa, dalawa, tatlo... paulit-ulit akong nagbibilang, apat... lima... anim… anim kaming pasahero sa loob. Patuloy sa pagbyahe ang aming sinasakyang jeep sa kahabaan ng E. Rodriguez, nang may sumigaw ng "PARA!".
Huminto ang jeep. Tumingin ang drayber sa kanyang rear mirror, pero walang gumalaw sa aming mga sakay para bumaba.
May, bababa ba? Tanong ng drayber kasunod nag paglingon nito patalikod. Walang umimik sa amin.
Tumingin ako sa labas, pero wala kong makita sa dilim ng kalsada. Wala din ibang papalapit na tao mula sa labas, na indikasyon na ang pumara ay galing sa labas..
Pero hindi pwede, malakas ang sigaw na umalingawngaw sa loob. Malinaw, na para bang katabi mo lang. Boses babae, matinis at maliit. Maliit na bata. Pero paano? Walang bata sa loob, wala din bata na nakasabit sa estribo.
Ang magkasintahan ay tumigil sa paghaharutan, ang matandang babae sa aking harapan ay mahimbing pa rin ang tulog. Ang dalawang lalaking malapit sa estribo ay tumigil sa pagkwekwentuhan. Tahimik kaming lahat, nang may mga yabag kaming narinig papunta sa estribo ng jeep, ilang sandali pa ay yumanig ng kaunti ang jeep, na para bang may bumaba at nabawasan ito ng bigat.
Nagkatinginan kaming lahat, maliban sa matandang babaeng tulog.
"Putang Ina! Sambit ng drayber, at dali-daling pinaharurot ang sasakyan. Ang kaninang dalawang lalaki sa estribo ay ngayon halos nagsumiksik sa gitna ng jeep.
"Narinig niyo ba 'yun?"
"Sino yun?"
"Ano yun?"
Ang dalagang kanina ay maharot ay ngayon ay umiiyak. "Sino yun, beh, natatakot ako!"
Mabilis ang pagpatakbo ng drayber. Walang hinintuang ibang tao o pasahero sa daan, konting menor sa mga stop light, kasunod ang harurot, habang sumusulyap-sulyap siya sa amin.
Tumigil kami sa may kanto ng Ermin Garcia. Pinagpapawisan yung dryaber. Patuloy sa pag-iyak ang dalaga, na kinakalma ng kanyang nobyo. Nagising ang matandang babae, nagtataka pero hindi nagsalita. Nakikinig lamang at nakamasid.
Ano yun?
Naramdaman mo ba iyon?
Narinig niyo ba yun?
Lahat kami pilit na gustong bigyang linaw o kahit kaunting lohika ang nangyari.
Ilang sandali pa ay nagsalita na rin ang drayber na hinahabol ang kanyang hininga,
"Okay lang kayo? Pasensya na kailangan ko iharurot."
Ano 'yun kuya?
"Mukhang may nakisabay, bumaba sa Q.I. (Quezon Institute)"
Nanindig ang balahibo namin sa kwento ng drayber. Madalas daw may magpakita sa kahabaan ng E. Rodriguez sa may QI. Madalas daw ay mga bata na nakatayo sa loob ng bakod ng hospital, nakatanaw sa mga dumadaan. Minsan matandang babae. Minsan ay babaeng umiiyak sa bangketa, na biglang nawawala.
Tahimik kaming nakikinig sa kwento ng dryaber. Ang matandang babae ay nilabas ang kanyang rosario at nagsimulang magdasal nang tahimik.
Marahil may sumabay daw sa amin na nilalang at bumaba sa QI. Isang ligaw na kaluluwa ng pasyente o Pilipinong namatay noong World War 2 noong okupahin at gawing garison ng mga Hapon ang Santol Sanitarium na dating pangalan ng QI.
Nakarating kami sa Cubao. Bumaba ako sa tapat ng Mercury bago tumawid ng EDSA. Kasunod ang dalawang lalaki na patuloy na nagkwekwentuhan kung paano paano sila natakot, at magkasintahan na umiiyak pa rin ang dalaga.
Sa aking pag-apak sa bangketa, lilingunin ko sana ang jeep pero biglang may tumapik sa aking balikat, yung dalawang lalaki na kasabay ko.
"Grabe, nakakatakot yung nangyari"
Tumango ako
"Grabe yun, ako din nagulat kung saan nanggaling yun"
"Nakakatakot lalo boses bata", sagot ko.
"Ang lakas at linaw ng boses, eh wala naman bata doon, tapos 5 lang naman tayo pasahero", sabat ng isa pa.
"Diba anim tayo kanina?", sagot kong nagtataka".
"Oi, pre wag ka ganyan 5 lang tayo, wag ka mantrip, kaming dalawa yung mag-syota saka ikaw".
Muling nanindig ang balahibo ko, at
dali-dali akong lumingon para tignan ang jeep. Umaandar na ito nang aking masulyapan. Sa loob nakita ko ang matandang babae.
Nakasenyas gamit ang kanyang hintuturo na nakalapat sa kanyang labi, na nagsasabing "tumahimik ka". Pero hindi siya sa akin nakatingin, hindi para sa akin ang senyas na iyon. Kundi para sa isang batang babae na kanyang kalong sa loob ng jeep.